Sinampahan ng ng pulisya ng reklamong rape with homicide ang apat na lalaki kaugnay sa sinapit ng 28-anyos na babaeng arkitekto na nakita ang bangkay na tinakpan ng mga dahon ng saging sa Calinan district, Davao City noong Mayo 17.
Sa Facebook post ng Davao City Police Office (DCPO), nakasaad na isinampa nila ang kaso sa koordinasyon ng National Bureau of Investigation-Region 11, na nagsagawa rin ng pagsisiyasat sa naturang kaso.
Ayon sa pulisya, kinilala ng mga testigo ang mga suspek na sina Dennis Roy Panzan, Kent Laurence Espinosa, Renato Ali Bayansao, at isang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
“DCPO strongly condemns this heinous crime and reminds Davaoños to be vigilant at all times. We therefore assure that we will do everything possible, in our power as a law enforcement organization to commit the persons behind this incident,” ayon sa DCPO.
Una rito, ilang insidente ng umano'y pagdukot ang nangyari sa Calinan ilang araw matapos maganap ang karumal-dumal na krimen.
READ: Lalaking dinukot umano sa Davao City, nasagip pero namatay kinalaunan; 2 pang lalaki, nawawala
Kabilang dito ang isang Dennis Panzan, 23-anyos, na nakita ni Rodrigo Cadungog, 56-anyos, na nakaposas at may tape ang mukha.
Napag-alaman na humingi umano ng tulong si Panzan kay Cadungog, at dinala naman ni Cadungog si Panzan sa punong barangay, na kinalaunan ay inihatid sa himpilan ng pulisya.
Pero habang nasa himpilan ng pulisya, biglang nawalan ng malay si Panzan at pumanaw kinalaunan.
Sa sumunod na araw, iniulat ng asawa na hindi umano nakauwi ng bahay si Cadungog makaraang magpaalam na maghahanap ng trabaho.
Pero makalipas din ng ilang araw, ligtas na nakauwi si Cadungog at sinabi nito na tumuloy lang siya sa bahay ng kamag-anak.
Isang "Kent Laurence Espinosa," 19-anyos, ang iniulat din ng kaniyang mga magulang na nawawala at pinapaniwalaang dinukot. --FRJ, GMA Integrated News