Karga at literal na itinakbo ng isang traffic enforcer patungo sa ospital ang isang bata na inaapoy ng lagnat sa China. Makaligtas kaya ang paslit at bakit ang enforcer ang nagbuhat sa kaniya? Alamin ang buong kuwento.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing ilang metro ang tinakbo ng enforcer habang karga ang bata patungong ospital sa Wuhan, Hubei.
Napag-alaman na galing ang bata sa isang sasakyan na naipit sa matinding trapiko. Dahil lumalala ang sitwasyon ng bata, binuhat na siya ng kaniyang mga magulang at naglakad sa kalye para dalhin ang anak sa ospital.
Mataas na umano ang lagnat ng bata, at kararanas ng panginginig at kombulsiyon.
Nang malaman ng enforcer ang kalagayan ng bata, nagboluntaryo na siyang kargahin ang bata at mabilis niyang itinakbo ito patungo sa osptal.
Nang makarating sa emergency room, kaagad na inasikaso ng mga duktor ang bata.
Dahil sa maagap na pagkilos ng enforcer at nabigyan kaagad ng atensyong medikal ang bata, naging maayos na ang kaniyang lagay.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ng mga magulang ng bata sa ginawang pagtulong sa kanila ng enforcer. -- FRJ, GMA Integrated News