Aminadong kinilabutan si Sheryl Sabugo nang ilang beses na banggitin ng kaniyang isang-taong-gulang na pamangkin na si Baby Talia ang salitang "mama" na tila ba nakikita nito, gayung ilang buwan na ang nakaraan mula nang pumanaw ang nanay ng bata.
Sa ulat ng "For You Page" ng GMA Public Affairs, makikita ang video na kinunan ni Sheryl habang pinapakain niya ng hapunan ang kaniyang pamangkin.
Habang sinusubuan niya ang bata, ilang beses nitong binanggit ang "mama" habang nakatingin sa itaas na tila may sinusundan.
Ngunit ayon kay Sheryl, wala silang ibang kasama roon nang sandaling iyon, at wala ring picture doon ang ina ni Baby Thalia na si Charlene.
"Tumayo po yung mga balahibo ko," saad niya.
Hindi lang pala iyon ang unang pagkakataon na binabanggit ni Baby Thalia ang katagang "mama" habang tila may tinitingnan.
"Kapag dumarating ako sa bahay binanggit niya sa akin yung mama. Tapos mayroon siyang tinuturo pero hindi ko siya makita," ani Sheryl.
Pumanaw si Charlene noong nakaraang Disyembre dahil sa sakit na thyroid.
Nalaman daw na may thyroid sa Charlene nang mabuntis ito pero hindi pa malala noon ang sakit.
Hanggang sa noong Disyembre, biglang umatake ang kaniyang sakit at pumanaw na nga si Charlene.
Sinabi pa ni Sheryl na ayaw matulog ni Thalia kung hindi sa mismong kuwarto nilang mag-ina.
Nakikita pa rin nga ba ni baby Talia ang kaniyang pumanaw na ina?
Ayon sa behavioral specialist na si Dr. Raul S. Gaña, wala pang konsepto ng pagpanaw ang mga bata na gaya ni Talia. Gayunman, nakakadama na sila ng "grief" o kalungkutan.
"Siguro ang maaaring gawin natin, hanapan natin ng ibang pagkakaabalahan yung bata. Bibigyan natin siya ngayon ng bagong konsepto para to replace yung presence ng nanay niya na nawala," payo ni Gaña.
"Maaari na rin siyang bigyan for example ng [teddy] bear, ng doll, ng bagong laruan, na maaaring niyang laruin at katabi niya kapag natulog," dagdag niya.
Sa pagpanaw ni Charlene, handa naman si Sheryl na ibigay at gawin ang lahat para maalagaan ang kaniyang pamangkin.
"Ipaparamdam ko sa kaniya yung pagmamahal," saad ni Sheryl para kay baby Thalia. --FRJ, GMA Integrated News