Nagsimatayan ang ilang alagang manok sa isang poultry farm dahil sa matinding init ng panahon sa Ibaan, Batangas.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing pitong manok ni Adela Catilo ang mga nangamatay noong nakaraang linggo dahil umano sa init ng panahon.
“Nagsabay-sabay, tapos ‘yung the rest naman nagpunta sila doon sa medyo malamig. ‘Yung lugar na kanilang pinagkamatayan, napakatindi ng sikat ng araw,” sabi ni Catilo.
Dahil dito, titigil muna si Catilo sa pag-aalaga ng mga manok kapag naibenta na niya ang mga natitira pa, dahil sa pangamba ng mga posibleng epekto ng El Niño.
Itinaas na ng PAGASA ang El Niño Alert sa bansa noong Martes.
“Usually magkakaroon ng below normal weather condition, madalang ang pag-ulan kaya maaapektuhan din sila,” sabi ni Michael Mangubat, chief meteorological officer ng PAGASA Batangas.
Kaya binibigyan ni Catilo ng electrolytes ang mga alagang manok at dalawang beses sa isang araw kung basahin niya ang mga ito para manatili silang buhay hanggang sa maibenta.
Sinabi ng isang agriculturist na nakatutulong ang pagbibigay ng electrolytes at bitamina sa mga alagang manok kapag mainit ang panahon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Ilang alagang manok sa poultry farm sa Batangas, namatay dahil sa init ng panahon
Mayo 5, 2023 2:13pm GMT+08:00