Naaresto ng mga awtoridad ang limang magkakasabwat umano sa pangho-holdap sa Laguna, kabilang ang isang nanutok ng baril na napag-alamang pellet gun lang pala.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing naaresto ng mga awtoridad sa isang safehouse sa Dasmariñas, Cavite ang mga suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabiktima umano ng grupo ang magkasintahan na sakay ng isang motorsiklo habang nakatigil sa isang intersection sa Alaminos, Laguna.
“Allegedly nagtanong na saan ang daan patungong San Pablo, bumaba na yung dalawa, tinutukan na. May dala siya na pellet gun. Yun ang ginamit niya na panutok,” pahayag ni Police Captain Edwin Goyena, hepe ng Alaminos Police Station.
Tinangay ng mga suspek ang motorsiklo at cellphone ng mga biktima.
Ayon sa pulisya, na-trace ng may-ari ng cellphone ang kinaroroonan ng mga suspek sa pamamagitan ng application na nasa cellphone.
Sa safehouse, dalawa pa sa mga suspek ang dinakip kabilang ang bumili ng cellphone sa halagang halos P2,000 lang.
Samantala, hindi naglabas ng pahayag ang mga dinakip na pawang kinasuhan na ng robbery-holdup with intimadation at carnapping.
“Yung isang nag-follow up ako, may isang exisiting warrant siya, sa drugs tapos yung isa rape,” sabi ni Goyena. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News