Arestado ang isang lalaki dahil sa panghoholdap umano sa isang pharmacist sa Mandaue City, Cebu. Ang suspek, nagawa raw ang krimen matapos hindi nabigyan ng hinihinging pera at gatas para sa kanyang anak.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, kinilala ng pulisya ang 35-anyos na suspek na si Richant Baring.

Batay sa imbestigasyon, kakabukas pa lamang ng establisyemento sa A.C. Cortes Avenue nitong Sabado ng umaga nang pumasok si Baring.

Subalit hindi pala ito bibili at nanghihingi ng P500 at gatas para sa kanyang anak. Pero nang tanggihan siya ng pharmacist, nagalit raw si Baring at kinuha ang gunting sa counter.

Bago umalis, tinangay niya rin ang cellphone ng isang staff.

Walang guwardiya at CCTV camera ang naturang pharmacy.

Pero sa follow-up operation ng Mandaue City Police nitong Lunes, nahuli si Baring sa Lapu-Lapu City.

Natukoy ang suspek sa tulong ng CCTV camera sa kalapit na establisyemento ng pharmacy. Positibo rin siyang kinilala ng mga pharmacists staff.

Ayon pa sa ulat, mariing itinaggi ni Baring na nang nangholdap siya.

Inihahanda na ang kasong robbery na isasampa sa suspek. — Mel Matthew Doctor/RSJ, GMA Integrated News