Nasawi ang anim na magkakamag-anak na residente ng Tagkawayan, Quezon sa malagim sa aksidente sa daan sa Calamba, Laguna madaling araw nitong Biyernes.
Base sa paunang report ng Calamba City Police, bumangga sa pader ng isang gusali ang pick-up truck na sinakasyan ng mga biktima at bumaliktad ito dakong 3 a.m.
Dead on the spot ang dalawa sa pitong pasahero ng pick-up, habang sa pagamutan na nasawi ang apat na iba pa.
Isa ang nakaligtas na nagtamo ng bone fracture.
Posible raw na nakainom ng alak ang driver ng sasakyan.
Ayon sa mga kaanak, nagtungo sa Laguna ang mga biktima at nagkayayaan na mag-inuman kagabi.
Matulin ang takbo
Ayon sa report ng Calamba City Police , batay sa pahayag ng mga testigo, mabilis ang takbo ng pick up sa national highway habang paparating ito sa pakurbang bahagi ng daan malapit sa isang tulay boundary ng Barangay Paciano at Barangay San Cristobal sa Calamba City.
Dahil sa tulin ng pick-up, lumihis ito sa kabilang linya at muntik nang sumalpok sa kasalubong na motorsiklo at isang pampasaherong jeep na kapwa nagawang makailag.
Sa pag ilag bg pick up truck ay nawalan ito ng control sa manibela ang driver at bumangga sa pader sa gilid ng highway.
Sa sobrang lakas ng pagsalpok ay wasak na wasak ang buong pick-up at naipit sa loob ang pitong pasahero.
Agad ang mga itong nirescue ng mga tauhan ng Calamba PNP, Calamba BFP at Laguna STAC rescue team.
Ang apat na nasawi ang sa Calamba Doctors Hospital samantalang dalawa ang idineklarang dead on arrival sa Global Medical Care sa Cabuyao City.
Dadalhin sa Tagkawayan, Quezon ang mga labi ng mga nasawi. —LBG, GMA Integrated News