Pinusuan ng ang netizens sa madamdaming duet ng isang guro at kaniyang 11-anyos na estudyante sa Labo, Camarines Norte. Ang guro, sinabayan sa pagkanta ang kaniyang mag-aaral para patatagin ang loob sa kompetisyon.

Sa ulat ni Jessie Cruzat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, nag-duet sina Teacher Aiza Bardon at ni Carl Decena, sa awiting alay sa mga magulang na may titulong "Nanay Ko, Tatay Ko," na orihinal na komposisyon ni Vehnee Saturno.

Ayon kay Teacher Aiza, bahagi ito ng training nila kay Karl, na nakatakda noon na lumaban sa isang singing competition.

Marami ang natuwa sa kanila dahil bukod sa ganda ng kanilang boses, puno rin ng emosyon ang bawat linya ng kanta.

Hindi naman inaasahan ng guro na magba-viral sa social media ang kanilang video.

"Hindi po, kasi libangan ko na rin 'yun dati, hindi naman ganu'n na nagte-trending. Gusto ko lang i-share 'yung talent namin, hindi ko in-expect na ganu'n 'yung magiging reaksyon, lalo na ng mga OFW," sabi ni Teacher Aiza.

Sinabi naman ni Carl na sadyang hilig niya ang pagkanta, bagama't inamin niyang mahiyain siya. Kaya malaki ang naitulong sa kaniya ni Teacher Aiza para malabanan ang kaniyang hiya.

Nakare-relate rin si Carl sa awitin dahil lumaki siyang walang kinikilalang biological father.

"Kinakantahan ko po ang nanay ko kasi wala po 'yung tatay ko, hindi sinasabi sa akin," sabi ni Carl.

Labis ang pasasalamat ng estudyante sa mga positibong reaksyon at komento ng publiko, dahilan para dumagdag ang kumpiyansa niya sa sarili.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News