Isang 13-anyos na lalaki ang nahulog mula sa kaniyang kinauupuan sa Ferris Wheel, at tumama sa isa ring menor de edad na sakay ng naturang carnaval ride sa Narvacan, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing kapuwa nakaligtas ang dalawang menor de edad.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing hindi naman nakalas ang metal bar na hawakan sa upuan, at nagsisilbing proteksyon ng sakay.
Ayon kay Police major Arcadio Viloria, hepe ng Narvacan Police Station, naghaharutan umano ang nahulog na binatilyo at kasama nito nang mangyari ang insidente.
"Inamin nila na naghaharutan sila nitong kasama niya. Itong si ... [nahulog], medyo malaki ang katawan at nag-bends siya forward kaya medyo bumigat doon sa harapan kaya medyo tumilaob yung upuan ng Ferris wheel," saad ni Viloria.
Tumama ang nahulog na binatilyo sa isa pang menor de edad na nakasakay din sa Ferris wheel
Ayon sa may-ari ng peryahan, pagsasabihan sana ang mga binatilyo na huwag malikot pero huli na.
Wala naman daw pananagutan ang pamunuan ng peryahan sa nangyaring insidente pero ipinatigil na muna ang operasyon nito para masuri ang kaligtasan ng mga sasakay. --FRJ, GMA Integrated News