Isa ang patay at tatlo naman ang sugatan matapos mauwi sa barilan ang pagpapaputok ng baril ng isang customer sa isang bar sa Bacolod City.

Ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, nainis ang suspek matapos hindi sila pina-order sa nasabing bar.

Base sa imbestigasyon, dumating sa bar ang grupo ng suspek na si Ulysses Carampatana nitong Miyerkules ng gabi at nagalit nang hindi sila pa-orderin dahil pasara na ang bar.

Nagpaputok daw ng baril ang suspek, at gumanti naman ng putok ang grupo ng may-ari ng bar na kinilalang si Joebert Visem.

Kinilala ang napatay na si Pfc. Edmark Iwayan, na nagtamo ng walong tama ng bala sa katawan. Sugatan naman si Visem at isa pa niyang kasamang si Pfc. Joebert Villagracia.

Samantala, sugatan din si Carampatana at isa niyang kasama.

Mahaharap sa reklamong murder ang suspek.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuhanan ng pahayag ang magkabilang panig. —KBK, GMA Integrated News