Tuwing sasapit ang buwan ng Oktubre at kung minsan hanggang Nobyembre, nagkakagulo ang mga mangingisda ng Santa, Ilocos Sur dahil sa napakaliit na isda. Ang mga isda, kahit maliliit, naibebenta sa halagang P3,000 – P6,000 kada lata o balde.
Ang mangingisdang si Juanito Basconcillo Jr., nakapagpundar pa ng sariling bahay, sasakyan at negosyong babuyan dahil sa huli na maliliit na isda.
Ano nga bang meron sa isdang ito? At bakit kahit maliit, ang dala ay biyayang napakalaki? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho, nag-uunahan ang mga mangingisda na magbaba ng kanilang lambat o sapyaw.
At makalipas ang halos 30 minutes, halos hindi na sila magkamayaw sa pagsigaw dahil nakahuli na sila ng isda na kung tawagin sa Ilocano ay “ipon.”
Ayon sa mga residente, ipon ang tawag sa isda dahil sa ilalim ng dagat ay para silang nag-iipon-ipon o nag-kumpul-kumpul. Ang mga ito na hahawig sa dulong o sa alamang ng mga Tagalog.
Nagpapakita lang ang mga ito tuwing siyam na araw matapos ang full moon sa ng pagitan ng mga buwan ng September -Enero.
“Kapag naparami kami mas marami rin kaming nakukuha na parang gintong isda na,” saad ng mangingisdang si Mark Angelo Argon Soverano.
“Kapag ganitong ipon season malaki ang naibibigay sa amin dahil malaking dagdag ito para sa mga pangangailangan ng mga anak ko,” pahayag naman ng kusinerang si Thelma Broqueza.
Paliwanag ni Benedicto Saraos, Provincial Fishery Regulatory Officer ng Provincial Agriculture Office, pinag-aaralan pa raw nila kung bakit kahit may full moon ng buwan ng March at Abril wala ang mga “ipon.”
Samantala, naibebenta na agad ang mga “ipon” kahit nasa gitna pa lang ng dagat. Pagdating naman sa pangpang, timba-timba at lata-lata kung ibenta ang mga ito mula P3,000 to P6,000
Sabi ng mga mangingisda, may kamahalan ang “ipon” dahil swertehan lang ang paghuli sa mga ito.
“Nagaganahan na kapag dumarating na ang ipon season. Kapag ipon season na, sir. Nakakapag-ipon po kami," ani Soverano.
Samantala, ikuwento ni Juanito na dahil sa huli niyang “ipon," literal na siya ay nakapag-ipon.
“Noong 2015 nagka-swerte kami dito sa "ipunan." Nagkaroon kami ng mahigit isang milyon ‘yung isang buwan,” aniya.
Hanggang sa nakapag-pundar siya ng sariling bahay, sasakyan, negosyong babuyan, at nakapagpatapos din ng anak sa kolehiyo.
“Kapag wala kang tiyaga, wala kang biyaya. Dahil sa "ipon" dapat matuto tayong mag-ipon,” diin pa niya.
Gayunman, may paalala Provincial Agriculture Office ng Ilocos Sur dahil dumarami na ang mangingisda ng “ipon.”
“Bawal hulihin ang ipon for the month of August and February. Kapag hinayaan natin na hulihin lahat ng ipon. Wala ng manganganak,” sabi ni Saraos.—LDF, GMA News