Isang tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon ang gumuho sa pagragasa ng tubig na may dala pang mga putol na punongkahoy.
Ayon sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, bumagsak ang Bantilan Bridge pasado alas-6 ng gabi noong Sabado.
Tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog sa Southern Tagalog dahil sa mga ulan na dala ng bagyong Paeng.
"Kahoy na malalaki. Kaya nadala ang ating tulay," sabi ni Kagawad Raul Pasco, ng Barangay Tipas sa San Juan Batangas. "Dalawang puwa ang dumaan. Ayan, dala ang gitna."
Nangangamba naman ang mga residente na malapit sa pinangyarihan ng pagguho.
Nasisira na raw ang gilid ng ilog kasama ang ilang riprap.
Malaki umano ang epekto ng nawasak na tulay sa mga motorista, mga nagtatrabaho, gayundin sa kalakalan ng dalawang lalawigan.
Si Nemio de Chaves, residente ng San Juan, Batangas, nag-iisip na maghanap na muna sila ng matitirhan ng kaniyang anak sa Candelaria, Quezon kung saan ito bumibiyahe at nagtatrabaho.
Sa naturang tulay sila dumaan kapag pumapasok sa trabaho at masyado umanong malayo ang kanilang iikutin kung mananatili sila sa Batangas.—NB/FRJ, GMA News