Pinuno ng isang guro ng mga makukulay na libro at teaching aid ang kaniyang kotse para magmukha itong mini library, at mahikayat sa pagbabasa ang mga estudyante sa Sorsogon.

Sa "Make Your Day," sinabi ni Teacher Michelle Rubio, Reading Coordinator ng Schools Division Office-Sorsogon, na sa ganitong paraan, mas mapadadali sa mga guro na turuan ang mga bata na magbasa at tangkilikin ang mga libro.

"Kasi nakita ko na 'yung motivation ... at 'yung interes ng mga bata lalo na sa pagbasa medyo nakukulangan tayo. Kaya nag-isip ako ng something extraordinary, parang strategy para ma-catch ko 'yung attention nila at ma-motivate silang magbasa," ayon kay Teacher Michelle.

Sinimulan ni Teacher Michelle ang kaniyang proyekto noong 2017.

Bagama't inilaan niya ang proyekto sa iisang paaralan lamang noong una, plano niya na ring ihatid ang reading-in-a-car project sa kanilang school division sa mas marami pang mga bata.

Para kay Teacher Michelle, wala nang ibang mas makagagaan ng pakiramdam kundi "paandarin" ang "drive" ng mga estudyante na matuto.

"Since I have that resources, I have that opportunity na makatulong sa mga batang ito, why not [grab] that opportunity? Why not give a chance to extend help," anang guro. —LBG, GMA News