Patay ang isang 53-anyos na babaeng principal matapos siyang barilin sa leeg ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa loob ng kaniyang bahay sa Polangui, Albay.
Sa ulat sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nahagip sa CCTV footage ang pag-akyat sa terrace ng bahay ng biktima ang dalawang suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng krimen.
Makikita rin sa CCTV na dahan-dahang gumapang ang mga suspek papunta sa bintana ng kuwarto habang may hawak na tila baril.
Ngunit may takip ang kanilang mga mukha at nakasuot ng hoodie kaya hindi pa matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon sa mga pulisya, principal sa isang pampublikong paaralan sa ibang bayan ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mahuli ang mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaslang.
Samantala, kinondena ng Department of Education Bicol ang insidente.
Binigyan na rin ng direktiba ng Regional Office ang Schools Division Superintendent ng Albay upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad at pamilya ng principal para sa maaaring tulong na maibibigay ng ahensya at nang mabigyan ng hustisya ang biktima.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News