Isang babae ang nasawi matapos siyang magulungan ng isang pampasaherong bus habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo sa Sta. Cruz, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang nasawi na si Janice Achevera Josue, 37-anyos.

Nangyari ang trahedya sa national highway sa bahagi ng Barangay Saoat, at nahagip sa CCTV camera ang insidente.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na galing umano sa shoulder lane ang motorsiklo ng biktima at pumasok sa center lane.

Pero nasagi niya ang gilid ng bus na dahilan ng kaniyang pagtumba at nagulungan siya ng sasakyan.

Wala pang pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.

Samantala sa Binalonan, Pangasinan, nahuli-cam naman ang pagbangga ng isang motorcycle sa isa ring motorsiklo.

Sa kuha ng video, makikita ang isang motorsiklo na tumawid sa highway sa Batangay Sumabnit. Pero bago tuluyang makatawid, bilang dumating ang isang motorsiklo na dahilan ng kanilang banggaan.

Kapuwa nagtamo ng mga sugat sa katawan ang dalawang rider, pati na ang isang angkas.--FRJ, GMA News