Sako na palutang-lutang sa dagat sa Puerto Galera, bangkay ng lalaki ang laman
Isang sako na palutang-lutang malapit sa baybayin ng Puerto Galera, Oriental Mindoro ang nakita ng ilang mangingisda sa lugar. Nang alamin nila kung ano ang laman nito, tumambad ang bangkay ng isang lalaki.
Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay sa bahagi ng Barangay Balatero nitong Linggo.
Walang damit ang biktima at nakasuot ng kulay brown na cargo shorts.
Ayon sa pulisya, walang tape at walang nakitang sugat sa katawan sa biktima, na pinaniniwalang pagkalunod ang ikinamatay.
Maaari umanong apat hanggang pitong na araw nang palutang-lutang sa dagat ang biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.--FRJ, GMA News