Isang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang lalaki sa loob ng isang sabungan sa Mabini, Batangas. Ang mga salarin, tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Virgilio Francisco Veloso, 54-anyos, katiwala ng sabungan sa Barangay Poblacion.
Ayon sa pulisya, nilapitan ng gunman ang biktima matapos ang sabong at saka malapitang binaril sa ulo.
Nakita pa raw ang suspek na umiinom sa loob ng sabungan bago mangyari ang krimen. Mabilis silang tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Sa isang kuha ng CCTV camera, nakita ang mga suspek na tumigil sa isang lugar at nagpalit ng damit bago naghiwalay na umalis.
Ilang oras matapos ang krimen, nakita ang motorsiklo na ginamit nila na iniwan sa isang lugar.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nirentahan umano ng mga suspek ang motorsiklo. Tukoy na ang kanilang pagkakakilanlan at tinutugis na sila ng mga awtoridad.
Anggulong personal na away ang nakikitang motibo ng mga pulis sa nangyaring krimen.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kamag-anak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News