Arestado ang isang lalaki matapos siyang ituro ng kaniyang asawa dahil sa paulit-ulit na panggagahasa umano sa kanilang mga anak na edad sampu at pito sa Tuy, Batangas.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa video ng Tuy Police ang pagpunta ng kanilang mga tauhan at kinatawan ng municipal social welfare department sa bahay ng nagrereklamong ginang at inirereklamo niyang mister.
Positibong itinuro ng ginang ang kaniyang 33-anyos na asawa na umano'y paulit-ulit na hinahalay ang kanilang dalawang batang anak.
Ayon sa ina, nalaman niya ang pang-aabusong ginagawa ng mister sa dalawa nilang anak nang dumaing ang isang bata na masakit ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.
"Kung kailan wala ang ina saka ginagawa ang karumal-dumal na bagay dito po sa kanilang sariling bahay. Kasi simula six years old pa po siya (panganay) hanggang 10-years-old ay hinahalay na po ng sarili niyang ama," sabi ni Police Major Von Gualberto, hepe ng Tuy Police.
"At itong pitong-taong-gulang naman ay mag-iisang taon na po niyang ginagawan po ng panghahalay," dagdag ni Gualberto.
Ayon sa pulisya, tinangka ng suspek na magbigti sa loob ng kulungan, pero napigilan siya ng mga pulis.
"Nagsisisi na po ako sa aking mga nagawang kasalanan. Sana po mapatawad po ako ng aking pamilya at aking mga anak dahil nagawa ko po sa kanila 'yon. Sana pati ang mga tao, pasensya na po kayo at ako'y talagang nagkamali po," sabi ng suspek.
Sinisikap ng mga awtoridad at MSWD ng Tuy, Batangas na bigyan psychological intervention ang mga biktima upang mabawasan ang trauma na kanilang sinapit sa sarili nilang ama.--Jamil Santos/FRJ, GMA News