Umiiyak na humingi ng tawad ang isang 38-anyos na lalaki matapos siyang arestuhin dahil sa pag-aalok ng pera kapalit ng malalaswang larawan ng mga babaeng menor de edad na nakikilala niya sa social media.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naaresto si Froilan Estolano sa entrapment operation na inilatag ng mga awtoridad sa isang fastfood restaurant sa Tagaytay.
Kasama pa ni Estolano ang target niyang 14-anyos na babae na hinikayat na niyang makipagkita sa kaniya.
Ayon sa NBI Cavite District Office, nagpakilala si Estolano sa biktima na nakilala niya sa Facebook na 25-anyos lang siya.
Inalok daw ng suspek ng pera ang biktima kapalit ng ipadadalang maseselang mga larawan.
Kinalaunan, inaya na ng suspek ang kaniyang biktima na makipagkita sa isang motel para doon niya ibibigay ang pera.
Ngunit nadiskubre ang plano ng suspek nang makigamit ng cellphone ang biktima sa kaniyang nanay, at nabasa ng una ang palitan ng mensahe.
"Ito 'yung type na subject ng mga [online] predator na by random nagse-send sila ng friend requests sa mga kursunada nilang victims. [Mag-aalok na] 'Bibigyan kita ng allowance, bibilhan kita ng cellphone.' Nandoon sa conversation nila lahat 'yon," ayon kay Jonathan Contreras, Executive Officer ng NBI-CAVIDO.
Hindi na itinanggi ni Estolano ang kaniyang ginawa.
"Hindi ko rin siya masyadong kilala eh kaya hindi ko rin inilabas ang identity ko. 'Hi, hello, you wanna be a sugar baby?' Tinanong niya kung ano ang kapalit, sabi ko P5,000," ani Estolano.
"Ang laki-laki talaga sir ng naging problema, kaya pinagsisisihan ko talaga siya," anang suspek.
Sinubukan ni Estolano na lumuhod at humingi ng kapatawaran mula sa magulang ng biktima, pero hindi siya pinagbigyan.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act, RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, RA 7610 o child abuse at Cybercrime Prevention Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA News