Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Laguna ang isa sa mga suspek sa pagbaril at pagpatay kay Atty. Joey Luis Wee sa Cebu.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, natunton ang pinagtataguan ng suspek na nagngangalang "Peralta."
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing natukoy ang pagkakakilanlan ni Fausto Peralta dahil sa pagpunta nito sa Cebu at paggamit ng inarkilang sasakyan na may GPS.
Isang security guard umano si Peralta na nagpalipat-lipat muna ng tirahan bago nasakote ng mga awtoridad.
Nakatulong din ang kuha ng mga CCTV camera sa tanggapan ni Wee dahil nakuhanan siya nang pumunta rito upang manmanan ang kilos ng abogado.
Nakita rin ang ilang palatandaan sa suspek tulad ng sapatos na ginamit niya nang barilin si Wee.
Matipid na itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.
Nangangako naman ang NBI na tutugisin ang iba pang sangkot sa pagpatay kay Wee.
Binaril at napatay si Wee sa labas ng kaniyang opisina sa Cebu City noong November 23.
Pinatay si Wee halos isang linggo lang matapos naman barilin din sa Palawan si Atty. Eric Jay Magcamit, na patungo noon sa pagdinig ng hinahawakang kaso.
Siyam na suspek ang naaresto sa kaso ni Magcamit, kabilang ang isang pulis. --FRJ, GMA News