KALIBO, Aklan - Hiniling ng Sanguniang Bayan ng Kalibo sa lokal na pamahalaan na maglagay ng Pop Up Bicycle Lane sa mga pangunahing daanan sa nasabing bayan.
Sa resolusyon na ipinalabas ni Kalibo Vice Mayor Cynthia Dela Cruz, sinabi nitong kinakailangan ng magkaroon ng bicycle lane bilang bahagi sa pagharap sa new normal ng mga residente.
Ayon kay Dela Cruz, nais ng Sanguniang Bayan na mag identify ang lokal na pamahalaan ng Kalibo ng mga bike lanes para sa kaligtasan ng mga residente na mas gustong magbisikleta na lamang para makatipid sa gastusin.
Umaasa ang Sanguniang Bayan na makapag lagay ng pop up bicycle lanes sa mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga residente katulad ng ospital, public market, eskuwelahan, at iba pa.
Ayon pa kay Dela Cruz, dapat din kilalanin ng mga commuters ang one meter apart health protocol na ipinapatupad ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Iginiit pa nito, na ang lokal na pamahalaan ang siyang may kapangyarihan para maipatupad ang pop up bicycle lane sa nasabing bayan. -- BAP, GMA News