Pitong miyembro umano ng "Baklas-bubong" robbery group ang napatay sa engkuwentro ng mga pulisya sa Agoncillo, Batangas. Sinasabing sakay ng isang van ang mga suspek at hindi tumigil sa police checkpoint.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ni Police Captain Jayson Aguilar, hepe ng Agoncillo Batangas Police, na naglatag sila ng dragnet operation nang makatanggap sila ng report na may isang van ang hindi huminto at binangga pa umano ang checkpoint ng mga pulis sa bayan ng Laurel.

Pagsapit sa checkpoint ng Agoncillo police, hindi rin umano huminto ang van at doon nangyari ang umano'y engkuwentro na nagresulta sa pagkakapatay sa pitong suspek.

Bukod sa mga baril, nakita rin umano sa loob ng van ang mga guwantes at bonnet, at iba pang gamit tulad ng cutter at grinder na pinaniniwalaang ginagamit ng grupo sa pagbubukas ng bubong at vault ng pinapasok nilang establisimiyento.

Ayon kay Aguilar na ilang insidente na umano "baklas- bubong" ang naitala sa Batangas, at isa sa mga palatandaan daw ng van na gamit ng mga salarin ang asul na ilaw sa side mirror nito.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek.

Iginiit naman si Aguilar na sinunod nila ang rules of engagement at handa silang sumailalim sa imbestigasyon sa nangyaring engkuwentro.-- FRJ, GMA News