Kaagad na binawian ng buhay ang isang babaeng maghahatid ng mga tindang itlog nang mabundol at magulungan siya ng isang SUV sa Manaoag, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing sakay ng "garong" at magde-deliver sana ng ibinebentang itlog si Vilma Movida nang salpukin sila ng SUV.

Sa lakas umano ng pagkakabangga, tumilapon si Movida at nagulungan ng sasakyan.

Kasama ng biktima ang kaniyang live-in partner na si Anselmo Gutoman, na nasugatan sa nangyaring sakuna.

Ayon sa ulat, pumayag ang pamilya ni Movida na makipag-areglo sa may-ari ng nakadisgrasya sa biktima.-- FRJ, GMA News