Patay ang isang ginang matapos siyang barilin ng sarili niyang kapatid sa Burgos, Ilocos Sur. Ang suspek, tinangka pang sunugin ang kanilang bahay.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Elma Sanchez, 70-anyos, ng Barangay Balugang sa Burgos, Ilocos Sur.
Nadakip naman ang suspek na plano pa umanong magbaril sa sarili na si Richard Dion, 54-anyos, kapatid ng biktima.
Ayon sa galit na galit na anak ng biktima na si Leo Taguba, dati umanong gumagamit ng droga ang kaniyang tiyuhin.
Makaraang daw barilin ng suspek ang biktima, itinutok niya ang baril sa sentido na tila wala na umano sa sarili.
Sinunog pa raw ng suspek ang kuwarto ng biktima na naging dahilan para halos matupok ang buong bahay nila.
Ayon kay Police Senior Inspector Leonilo Ancheta, hepe Burgos Police, inabutan nila si Dion na hawak ang baril na cal. 357 at nakatutok sa sentido.
"Pagdating namin sa area, hawak-hawak niya yung isang baril na cal. 357, nakatutok sa kaniyang sintido. Upon approach po natin, kinonvince natin na mag-surrender po siya dito sa kapulisan," kuwento ni Ancheta.
Tumanggi si Dion na magbigay ng pahayag sa media.
Pero ayon kay Ancheta, wala sa listahan nila ng drug surrenderer at wala rin sa listahan ng mga drug user o pusher ang suspek.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng suspek sa pagpatay sa sariling kapatid.-- FRJ, GMA News