Humingi ng tulong ang tatlong Pinay na OFWs sa Riyadh, Saudi Arabia matapos umanong sabihin sa kanila ng kanilang amo na positibo sila sa COVID-19 pero hindi naman sila dinadala sa ospital at patuloy pa silang pinagtatrabaho.

Sa programang "Unang Hirit" nitong Huwebes, inilahad ng dalawa sa mga OFW na nakararamdam sila ng pangangati ng lalamunan, sakit ng ulo at panghihina ng katawan.

Nahihirapan naman daw huminga ang isa pa nilang kasamahan.

Sa kabila ng kanilang nararamdaman, wala raw pumupuntang frontliner sa kanilang bahay para masuri sila at tanging paracetamol lang ang ibinigay ng kanilang amo.

Hindi pa rin daw ipinakikita ng kanilang amo ang resulta ng kanilang swab test pero sinabi nito na positibo sila sa virus at maaaring taglay na nila sa nakalipas na dalawang linggo.

Ayon sa mga OFW, naunang nagpositibo sa virus ang kanilang among babae at lalaki, pero posibeng nakuha nila ang virus sa tatlong anak na special child ng kanilang mga amo na kanilang inaalagaan.

Sa naturang panayam, kinuha ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac ang contact number ng mga OFW para matulungan silang maireport ang kanilang kalagayan sa medical authorities ng Saudi Arabia.-- FRJ, GMA News