Inilahad ni Angeli Khang na bagama’t marami siyang manliligaw, apat na taon na siyang single at gusto ring magka-lovelife “soon.”

"Hindi naman po sa pag-aano... Marami pong manliligaw,” sabi ni Angeli sa Updated with Nelson Canlas podcast.

Sa ngayon, masaya raw si Angeli sa pagmamahal na kaniyang nararamdaman mula sa kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay.

“Pero as of now, kung sino man ang nandiyan... Ang sabi nga nila, hindi mo alam ang buhay kaya kung sino man ang nagmamahal sa 'yo, ibigay mo rin kung ano ang pagmamahal na ibinibigay sa 'yo," anang Vivamax A-lister.

"Pero number one, God, family, myself, career, and the people that surround me," pagpapatuloy ni Angeli.

Sinabi ni Angeli na wala siyang lovelife ngayon, bagama’t gusto niya ring magkaroon nito balang araw.

“Jowa, wala pa. Soon! Asan ka na jowa?! Four years na akong single," sabi niya.

Nang tanungin kung bakit wala pa siyang sinasagot sa kaniyang mga manliligaw, “'Yung timing po.”

Ayon kay Angeli, abala siya sa kaniyang career ngayon.

"'O tara meet tayo ng araw na ito.' Pero noong araw pala na ito, biglang meron akong shooting. 'Meet mo 'yung family ko sa date na ito,' 'yung date pala niyan meron akong event, mga interviews. Kaya timing po talaga.”

Tinanong si Angeli kung may mga nanliligaw sa kaniyang kapwa artista.

"Meron po, meron po," natatawa niyang sabi. "ABS-(CBN)."

Sinagot din niya ang tanong kung may nanliligaw sa kaniya mula sa Kapuso Network.

"Sana. Soon," aniya.

Pero ano kaya ang hinahanap niya sa isang lalaki?

“I need patient na guy. Asan ka na?!" ani Angeli.

Angeli sa totoong buhay

Taliwas sa napapanood sa kaniya on screen, sinabi ni Angeli, o Agnes Khang sa totoong buhay, na mahiyain siya sa personal.

“Si Agnes po, ay sa totoo lang mahiyain, palangiti, palatawa, saka introvert po. Sobrang magkaiba talaga sila ni Angeli. Pagdating kay Angeli, confident, powerful, women empowerment and everything. Pagka off cam, biglang switch off, biglang 'Wait lang po, nahihiya ako!'” kuwento niya.

Dahil dito, inaakala ng ilan na mataray sa personal si Angeli.

“Kaya minsan kapag nakikita ako ng mga tao na si Angeli at Agnes at the same time, akala nila mataray ako kasi si Agnes, talagang mahiyain, hindi nagsasalita. Isang tanong, isang sagot. Pero ang nakikita nila sa aura ko raw na very pure.”

“Pero kapag unang kita nila sa akin as Agnes, akala nila mataray ako kasi ang Agnes, hindi nagsasalita. Pero ang Angeli, talagang all-out. Kahit anong ibigay mo na topic, tuloy-tuloy lang, sobrang jolly," dagdag pa ni Angeli.

Ayon sa kaniya, hindi siya nagtataray, kundi nahihiya lamang.

"Pagka-switch off, 'pag Agnes, tahimik, mahinhin, minsan nahahalata ko po ang sarili ko na laging nakayuko. Wait lang, baka iniisip ng mga tao mataray ako. Kasi 'yung ibang naririnig ko 'Ay bakit ang taray niya?' Tapos ako, Wait lang hindi ako mataray! Nahihiya lang po,” sabi niya.

Napapanood si Angeli bilang si Nimfa sa GMA Prime series na “Black Rider.”

Kissing scene agad ang unang eksena nila ng bida nitong si Ruru Madrid, at mas lalo pang mag-iinit ang kuwento sa pagpasok ng kaniyang karakter. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News