Arestado si Justin Timberlake dahil sa drunk driving umano sa New York sa Amerika.

Base sa pahayag ng local district attorney’s office ng Sag Harbor, bistadong nagmamaneho nang nakainom si Justin sa Long Island, matapos mabigong makasunod sa stop sign at dalawang beses na lumipat ng lane, ayon sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Pinalaya rin ang pop singer at nakatakdang humarap sa korte sa Hulyo 26, ayon sa mga ulat sa Amerika.

Ayon sa abogado ni Justin, pinatawan siya ng single count nang tumangging sumailalim sa breath test.

May dalawang citation din si Justin para sa hindi paghinto sa stop sign at pagmamaneho sa maling linya.

Sa ulat ng People magazine, na iniulat din ng Reuters, na bago ang insidente, nanggaling si Justin sa isang dinner sa American Hotel.

Nakatakdang mag-concert si Justin sa Chicago sa weekend at dalawang show sa New York City sa susunod na linggo, ayon sa kaniyang website. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News