Hindi napigilan ni Buboy Villar na maging emosyonal nang maka-relate habang pinapayuhan ang isang babae na napilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa pagbu-bully umanong natatanggap dahil maaga siyang nagkaanak.

Sa segment na G sa Gedli ng "Eat Bulaga," nauna munang naiyak ang babaeng masuwerteng napili nina Yorme Isko Moreno at Buboy, dahil idolo pala niya ang Kapuso comedian.

"Naiiyak ka ba sa mukha ko o natutuwa ka sa mukha?," biro ni Buboy sa babae. "Sa dami ng artista ako ang idol mo, bakit?"

Ayon sa babae, lagi niyang inaabangan ang vlog nina Buboy at Jelai Andres.

Nang tanungin ni Yorme ang babae kung nag-aaral pa, sinabi nito na tumigil na siya dahil nabu-bully siya sa pagkakaroon niya na ng anak.

Pero pinayuhan siya ni Yorme na huwag makikinig sa sinasabi ng iba at huwag kakalimutan na blessing ang pagkakaroon ng anak.

Ibinahagi rin ni Yorme sa babae ang payo sa kaniya ng kaniyang ina kapag may mga nagsasabi ng hindi magaganda tungkol sa kaniya na kung tawagin sa panahong ngayon na "basher."

"'Wag mong iintindihan ang sinasabi ng ibang tao dahil hindi mo naman malalamon 'yon," pagbahagi ni Isko sa bilin sa kaniya noon ng kaniyang ina.

Kaya naman daw nag-focus lang si Isko sa mga ginagawa at hindi na iniisip ang sinasabi ng iba.

Dahil sa maliit na kuwarto lang nakatira ang babae kasama ang siyam pang ibang kaanak, pati ang kaniyang mga magulang, sinabi ni Isko na mas mahirap pa ang sitwasyon ng buhay nila noon.

"Ako mas malala pa sitwasyon namin dito. Noong araw basura ang kinakain namin... Hindi ka pa kumakain ng tira ng tao noh?," tanong ni Yorme tungkol sa pagkain na tinatawag na "pagpag."

"Hindi pa," sagot naman ng babae.

"Ok ka pa," sabi naman ni Yorme.

Sunod na nagbigay naman ng payo si Buboy na maaga ring nagkaanak sa dati niyang nobya na si Angillyn Gorens.

Paalala ni Buboy sa babae, blessing ang anak.

"Marami na silang sasabihing masama pero hindi masama na nagkaanak. Tayo kasi...," saad ni Buboy na hindi na naituloy ang sasabihin dahil sa emosyon.

Paalala ni Buboy sa babae, mahalin ang kaniyang anak at magiging matatag sa pagsubok sa buhay, at pinayuhan nila ni Yorme ang babae na bumalik sa pag-aaral.--FRJ, GMA Integrated News