Matapos amining hiwalay na sila ng ama ng kaniyang anak na si Baby Uno, handa kayang muling magmahal si Rita Daniela? Pagtatapat din ng singer-actress, nagkaroon siya ng patingin noon sa ka-love team na si Ken Chan.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Rita na handa pa rin siyang magmahal muli kahit pa nauwi sa hiwalayan ang apat na taong relasyon nila ng kaniyang dating nobyo.
“Definitely yes," tugon ni Rita nang tanungin ni Tito Boy kung handa pa kayang magmahal mula. ""It’s still one of my dreams na maglakad na may wedding gown, of course part pa rin ‘yun ng aking pangarap."
Pero sa ngayon, sinabi ni Rita na nakatuon ang kaniyang atensyon na maging better person at maging best mom kay Baby Uno.
Sa naturang panayam, inilahad din ni Rita na nagkaroon siya ng pagtingin kay Ken, na ilang beses niyang nakatambal sa mga proyekto.
"Nahulog ka noh," sabi ni Tito Boy kay Rita.
"Oo naman," mabilis na tugon ni Rita. "Hindi ko po ipagkakaila iyon. Wala ganun talaga eh."
Ayon kay Rita, hindi siya naniniwala noon na nagiging totoong magkarelasyon ang magka-love team.
"Sobrang nagulat ako dun sa konsepto na kapag magkasama kayo araw-araw, nade-develop pala talaga," pag-amin niya.
Ayon kay Rita, matagal din silang hindi nag-usap ni Ken pero mas mabuti na umano ang lahat sa kanila ngayon.
"I had to give time for myself because 'yung nangyari sa 'min ni Ken, I just didn't lose a friend. I lost a best friend and a family in one," saad niya.
"That [was] very painful for me, pero naging OK naman kami," dagdag pa ni Rita.
Nang tanungin kung paano ipakikila ni Rita si Ken kay Baby Uno?, anang aktres, "Si Tito Ken, best friend siya ni nanay, at isa ako doon sa mga nahulog sa best friend," lahad niya. "Sana anak kung isang araw mangyari sa 'yo 'to, sana nandun si nanay para suportahan ka." —FRJ, GMA Integrated News