Naging emosyonal si Vilma Santos nang ipinagtatanggol ang anak na si Luis Manzano sa kinasasangkutan nitong kontrobersiya tungkol sa mga nagrereklamong nagpasok ng puhunan sa Flex Fuel Petroleum Corporation.
“Bilang ina, gaano kasakit ngayon ang maranasan na may pinagdadaanan ang iyong anak na si Luis?” tanong ni Tito Boy sa “Star For All Seasons” sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“I’m sorry Tito Boy,” saad ni Ate Vi na napaiyak at hindi agad nasagot ang tanong.
“It’s not easy, it’s not easy. Ayaw kong i-entertain… Mahirap din kasi na minsan it’s your job do good, to show people that you’re comfortable pero deep inside you’re hurting. The only thing I can say is that I know my son. Ang anak ko tumutulong, hindi nanloloko,” anang aktres.
“Kaya ‘yung mga nagsasalita at nanghuhusga sa kaniya, dahan-dahan lang kayo, walang ibang nakakakilala sa anak ko kundi ako,” dagdag ni Ate Vi.
“At this point, it’s just asking for guidance, not even for myself but for my children. Ako na lang, huwag lang ang anak ko,” lahad ni Ate Vi tungkol sa kaniyang panalangin sa Panginoon.
Sa kabila ng lahat, naniniwala si Ate Vi na malalagpasan din ni Luis ang problemang kinasangkutan nito.
“It’s not easy. At this point in time, to all my friends and sa lahat ng mga kaibigan it’s just, prayers, because I know my son, lalagpas din ito. I know him,” aniya.
“Luis you will be fine,” mensahe rin ni Tito Boy kay Luis.
“You will be fine anak, maraming nagdarasal sa ‘yo. The truth will prevail. Alam ng mga tao ‘yan, tumutulong ka anak, hindi ka nanloloko. I love you!,” dagdag ni Ate Vi, na may pahabol na pamosong pagbati na. "I love you, Lucky!."
Una rito, iniulat na isinilbi na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang subpoena sa tahanan ni Luis sa Taguig City. Kaugnay ito sa reklamong estafa na inihain ng nasa 40 investor laban sa kaniya at iba pang personalidad na sangkot sa oil firm.
Nauna nang itinanggi ng FlexFuel ang mga akusasyon na nasangkot sila sa investment scam pero umamin silang nakaranas sila ng pagkalugi dahil sa mga mga dahilang “beyond their control” tulad ng coronavirus pandemic.
Maging si Luis, iginiit na walang siyang kinalaman sa pamamalakad ng FlexFuel at nawalan din umano siya ng pera.--FRJ, GMA Integrated News