Inihayag ni Camille Prats sa programang "Mars Pa More" na may mga nakita at napansin siyang tao sa mundo ng showbiz na gustong magkatanggap ng "VIP" treatment.

Sa segment na "On the spot," binigyan ng kani-kanilang tanong ang mga host at guest sa programa.

Napunta kay Camille ang tanong na: "Para sa akin ang mga nakagawain sa mundo ng showbiz na sana ay baguhin ng mga mas nakababatang artista ay..."

Pero bago sagutin ni Camille ang tanong, biniro muna siya ng co-host na si Kuya Kim Atienza na parang pinapalabas na si Camille ang pinakamatagal sa industriya ng showbiz sa kanilang grupo.

Nagsimula si Camille sa pag-aartista bilang child star. Bagaman aminado naman ang aktres na matagal na siya sa industriya, sinabi niya na pangalawa lang siya sa veteran actress na si Nova Villa, na guest sa naturang show.

Kasunod nito ay sinabi na ni Camille na napansin niya na may mga tao na nais makatanggap ng VIP treatment, at ito ang nais niyang baguhin ng mga mas nakababatang artista ngayon.

"Kasi nga felling nila deserve ko 'to [maging VIP] kasi artista ako," ani Camille na binanggit ang sikat daw na linya na, "Hindi mo ba ako kilala?"

"Very famous yung line na 'yan [di ba] Tita Nova. Kapag gusto mong pumasok sa lugar na mga for members only," patuloy niya.

Inayunan naman ni Tita Nova ang naturang pahayag ni Camille.

Ayon kay Camille may "entitlement feeling" ang ibang artista dahil sa kanilang trabaho.

Pero paliwanag ng aktres, bagaman dapat ipagpasalamat ang pagkakaroon ng naturang uri ng trabaho, dapat pa rin nilang isipan na katulad pa rin sila ng ibang tao.

--FRJ, GMA News