"Kung hindi inorder, isauli at huwag bayaran." Iyan ang payo ng komedyanteng si Michael V o Bitoy sa kaniyang mga follower sa social media matapos mabiktima ng panloloko ang kaniyang kasambahay.

Sa video na ipinost ni Bitoy sa kaniyang Instagram, ikinuwento niya na may dumating na produkto sa kanilang bahay via COD o cash on delivery kahit hindi niya naman inorder.

Dahil wala siya nang dumating ang naturang delivery na umano'y "selfie stick," binayaran ito ng kanilang kasambahay sa halagang P2,500, gaya ng nakasaad sa delivery receipt.

Pero nang dumating siya at buksan ang produkto, hindi selfie stick ang laman ng package kung hindi mumurahing light stand na tinataya niyang nasa P500 o mas mababa pa ang presyo.

Ayon kay Bitoy, karaniwang credit card daw ang gamit niya kapag nag-o-order, o kaya naman ay nag-iiwan ng pera na pambayad kung mayroon man siyang order.

Posibleng dati na raw ang naturang modus pero unang pagkakataon niya itong naranasan. Hinala niya, naghahanap ng address ang mga scammer ng bibiktimahin at papatungan ang presyo ng produkto kung sakaling makalulusot sila.

Natatawa ring ipinakita ni Bitoy ang nakasaad na cellphone number na nakalagay sa resibo  ng nagpakilalang online seller dahil puro zero ang huling pitong numero nito.

"Puro zero! Paano mo ngayon tatawagan 'yan para magreklamo. Hay naku," natatawa niyang sabi.

Maaaring peke rin daw ang pangalan at address na nakalagay sa delivery receipt.

Payo ni Bitoy, kung hindi naman talaga inorder, huwag tanggapin at huwag bayaran ang produkto at ibalik lang sa rider na naghatid.

Sa mga mahilig mamili online mag-ingat kayo, be vigilant abangan nyo yung mga scam [maging alerto] na kagaya nito," paalala niya.

"Mga scammer ngayon naman... ito naman ang daigdig na pinapasok niyo. Pinagsasamantalahan niyo naman yung mga taong walang na ngang magawa, hindi makalabas ng bahay puro online pamimili na lang ang ginagawa...'wag naman," payo niya naman sa mga manloloko.--FRJ, GMA News