Inihayag ni Tom Rodriguez na siya mismo ang gumawa ng engagement ring na ibinigay niya kay Carla Abellana.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng aktor na pinag-aralan niya ang paggawa ng singsing mula sa pagtunaw ng ginto, sizing at polishing.
Mayroong diamond na napapaligiran ng 12 iba pang eternity diamonds ang singsing na simbulo ng birthdate ni Carla na June 12.
Nitong Linggo inanunsiyo ng dalawa sa Instagram post na engaged na sila mula noong Oktubre pa.
Pinili raw nilang gawing pribado muna ang kanilang engagement at maging sensitibo sa pinagdadaanan ng ibang tao dahil sa pandemic.
Plano raw nila na makasal simbahan ngayon taon kapag bumuti na ang sitwasyon sa bansa.
Halos pitong taon nang magkarelasyon ang dalawa na nagsimula nang makasama sila sa dating GMA series na "My Husband's Lover."—FRJ, GMA News