Sa pagbisita sa "Wowowin-Tutok To Win," ikinuwento ni Senador Manny Pacquiao kay Willie Revillame ang naging pangitain o panaginip niya bago ang laban nila ni Juan Manuel Marquez kung saan nasuntok siya at nawalan ng malay.

Disyembre 2012 nang maganap ang hindi malilimutan pagkatalo ni Pacquiao kay Marquez dahil iyon ang unang pagkakataon na padapa siyang natumba sa ring matapos masuntok ng kalaban.

Ayon kay Pacquiao, ilang araw bago ang laban, nanaginip siya na nasa itaas ng isang gusali at nakita niya ang isang kabayo at sakay nito na natumba.

Hindi raw kaagad nakatayo ang kabayo at sakay nito.

Ilang tao umano ang kinausap ni Pacquiao para hingan ng paliwanag sa kaniyang panaginip, hanggang sa dumating na ang araw ng laban niya kay Marquez at matalo siya.

Gayunman, sinabi ni Pacquiao na hindi siya labis na nalungkot sa pangyayari at nagawa pa niyang ngumiti nang magkamalay na dahil nakita na niya sa panaginip ang mangyayari.

At katulad umano ng kabayo at sakay nito sa panaginip na  nakabangon din naman kinalaunan, sinabi ni Pacquiao na ganoon din ang nangyari sa kaniya.

Inihayag din ni Pacquiao kung sino sa mga nakalaban niya ang hinding-hindi niya makakalimutan dahil labis niyang hinahangaan, at kanino siya pinaka-nahirapan ang laban. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News