Ikinuwento ni Derek Ramsay na isinugod siya sa ospital matapos sumakit ang mata dahil sa pagtingin niya nang diretso sa UV light na kaniyang kinumpuni.
Sa panayam nina Iya Villania at Camille Prats sa "Mars Pa More," ibinahagi nina Derek at nobya niyang si Andrea Torres na mayroon UV light sa bahay para mag-disinfect ng mga gamit.
Nang mapansin daw ng aktor na kumurap-kurap ang ilaw, inayos niya ito.
Habang inaayos niya ang UV light, pinaalalahanan daw ni Andrea ang nobyo na huwag tumingin nang diretso sa ilaw.
Pero sandali raw na napatingin ng diretso si Derek sa UV light.
Nangyari raw ang pagkumpuni ng 7pm at nagawa pa raw nilang manood ng Netflix at maghapunan.
"But at around 2am hindi ko na maidilat 'yung mata ko," kuwento ni Derek. "Talagang they were burning, eh ayoko naman siyang gisingin."
Nagtungo raw si Derek sa banyo para hugasan ang kaniyang mata pero lumala raw ang kaniyang naramdaman.
"I went to the bathroom, naghugas ako ng mata. It got worse. Then it just got worse and worse, so napilitan na akong gisingin si Andrea, at tinakbo na ako sa ospital," ayon kay Derek.
Ayon sa Kapuso hunk, nilagyan din ni Andrea ng eyedrops ang kaniyang mata dahil inakalang "dry eyes" lang ang nangyayari sa kaniyang mga mata pero sadya raw masakit na ang kaniyang nararamdaman.
"Kasi yung eyedrops na binigay ko, wala namang anything. Hindi siya maanghang, pag-try ko sa sarili ko, wala akong na-feel," sabi ni Andrea na nagdulot na rin daw sa kaniya ng takot.
Aminado si Derek na nangamba siya na baka mabulag siya.
Ayon kay Andrea, saglit lang ang ginawang pagtingin ni Derek sa UV light.
Aminado naman si Derek sa kaniyang pagkakamali dahil batid niya na may paalala na huwag titingin nang diretso sa UV light.
Sa kabila ng pahayag ng Department of Health na walang katiyakan na mabisa ang UV light sa pag-disenfect, ilang lokal na pamahalaan at mga establisiyemto na gumagamit nito para labanan ang COVID-19.
Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi ni Dr. Jay Racoma, isang ophthalmologist na ang pagkakalantad ng mata sa UVC radiation ay magdudulot ng photokeratitis o photoconjunctivitis.
“The outer parts of the eyes, the cornea and the conjunctiva so same way that our body is covered by skin, the conjunctiva is the covering of the eye and the cornea is the outer part of the eye so sila ‘yong unang tatamaan if ever by UVC radiation,” paliwanag ni Racoma.
“If there’s prolonged exposure to the eyes, which will result in photokeratitis and this will result in pain, irritation, redness swelling, and temporary blurring,” dagdag niya. — FRJ, GMA News