Dahil sa mga suliranin dulot ng COVID-19 pandemic, marami sa mga tao ang nababalisa o stressed. Ano ang mga palatandaan kung tila seryoso at dapat nang tugunan ang stress na nararamdaman?
Sa Mars Pa More, ipinaliwanag ng clinical psychologist na si Dr. Richthofen De Jesus ang acronym na "BASCR" na dapat tandaan ng isang tao.
B (Behavior) - Seryoso na ang stress kapag lagi nang natataranta o mabilis ang pagkilos ng isang tao sa panahon ng pandemic.
A (Affect) - Ang "affect" ay tumutukoy sa emotional expression ng isang tao. May stress na sa isang tao kung lagi siyang down o natatakot kahit walang dapat katakutan.
S (Somatization) - May mga nangyayari sa katawan ng isang tao, kahit wala namang problema physically, tulad na lamang ng ilang tao na pakiramdam nilang masakit ang ulo nila.
C (Cognition) - Laging may nalilimutan ang isang tao, o hindi na niya kayang mag-multitask kumpara dati, dahil sa pandemya.
R (Relationships) - Mainit ang ulo ng isang tao at naibabaling niya ito sa mga mahal niya sa buhay.
Para makaiwas sa stress, payo ni Dr. Richthofen na huwag lagyan ng label ang lahat ng bagay. Kapag umubo ang isang tao, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang COVID-19.
Ipinayo rin ng psychologist na huwag mag-self-diagnose o "i-Google" ang nararamdaman. Mas mainam pa rin na makita ng doktor ang kumpletong history ng pasyente.
Pangatlo, unawaain muna nang maigi ang mga psychological terms na ginagamit tulad ng "anxiety." —LBG, GMA News