Inihayag ni Gloc-9 na mayroon siyang kaba nang i-release niya noon ang kanta nila ni Ebe Dancel na "Sirena," na tungkol sa pagiging isang bading.

"Very sensitive po kami sa kung ano 'yung susulatin namin. Like nu'ng ginawa ko po 'yung 'Sirena' du'n ako pinakakabang kaba eh. Siyempre hindi naman po ako bakla. Pero pinakanatatakot ako, ayokong makainsulto ng nasa LGBTQ," anang Pinoy rapper sa isang video ng GMA Network.



"Kaya noong the day na na-release 'yun, pawis na pawis ang kamay ko dahil hindi ko alam kung paano matatanggap dahil 'yun ay sa pananaw ko lang ginawa," dagdag ni Gloc-9.

Gayunman, nagpasalamat si Gloc-9 na tinanggap ito ng mga nasa LGBTQ community tulad ng kilalang TV host, manager at endorser na si Boy Abunda.

"I'm very, very thankful. Sabi nga ni Sir Boy Abunda nu'ng nag-appear siya sa video, 'Hindi lang 'yan isang simpleng oo o hindi nu'ng nag-appear ako sa video. In-analyze namin 'yung kanta mo at isang salita lang doon na hindi namin magustuhan, hindi mo ako makikita sa video,'" kuwento ni Gloc-9 na sinabi raw sa kaniya ni Tito Boy, na kasama sa music video ng  awitin.

May collaboration ngayon si Gloc-9 sa singer na si Juan Karlos Labajo sa kanta nilang "Sampaguita," na tungkol naman sa mga OFW.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News