Guilty ang naging hatol ng korte at parusang habambuhay na pagkakabilanggo ang iginawad sa dating aktor na si Dennis da Silva dahil sa paghalay umano sa 14-anyos noon na anak ng kaniyang ka-live-in.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes,  sinabing 2002 nang arestuhin si Dennis dahil sa kasong paghahalay sa biktima.

Depensa niya noon, may relasyon daw sila ng dalagita.

Sa naging panayam sa kaniya ng programang "Startalk" noong 2015, sinabi ni Dennis na malaki na ang kaniyang pinagbago bilang paghahanda sana paglabas niya sa Pasig City Jail.

Pero pagkaraan ng 17 taon, lumabas nitong Biyernes ang hatol ng korte na guilty si Dennis sa mga kasong rape at child abuse.

Sinentensiyahan siya ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong dahil sa 15 counts of rape.

Bukod pa ang hatol sa kaniya na apat hanggang anim na taong pagkakakulong dahil naman sa apat na counts of child abuse.

Para naman sa civil liability, ipinag-utos ng korte na bayaran ni Dennis ang biktima ng aabot sa tig-P100,000.00 para sa civil indemnity, moral damages at exemplary damages, o P300,000.00 para sa bawat count ng rape na may kabuuang halaga na mahigit P4 milyon.

Pinagbabayad din si Dennis ng higit P300,000.00 para sa child abuse.

Kailangan daw muna niyang bayaran ang biktima kung gusto nitong mag-apply para sa conditional pardon at commutation o good conduct time allowance.

May 15 araw naman si Dennis para umapela sa korte sa naging desisyon.

Tumangging nang magbigay ng pahayag ang kampo ni Dennis, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News