Bukod kina Rita Daniela at Ken Chan, dapat ding abangan ang iba pang karakter sa upcoming series na "One of the Baes," tulad ni Roderick Paulate na gaganap na "klosetang" si Paps Fernando.
Sina Rita at Ken, hindi naitago ang labis na pagkabilib sa husay ni Roderick sa pag-arte.
"After a very long time, makikita po ulit natin si Mr. Roderick Paulate at dito po niya gagawin ulit ang kanyang iconic... iconic moves," sabi ni Rita.
"Classic talaga na matutuwa ka na feeling mo gusto mo na lang siyang panoorin," ayon naman kay Ken.
Natutuwa rin si Roderick na muling makaarte.
"Ang sarap pala. Ang tagal kong hindi nagawa 'to," sabi ni Roderick na gaganap na ama ni Rita sa serye. "Medyo nagpahinga ako sa gantong role. Na-appreciate nila yung craft mo, appreciated nila yung body of work mo kaya 'yon yung nagtutulak sa akin na, 'Sige ibigay natin kung ano ang magpapasaya sa show."
Kasama rin sa masayang serye na mapapanood na simula sa susunod na linggo sina Amy Austria, Jestoni Alarcon, Maureen Larrazabal, Joyce Ching, Edgar Allan Guzman, Rodjun Cruz at Melanie Marquez.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News