Naimbitahan para magpakita ng kaniyang jiu jitsu techniques sa mga kabataang mag-aaral ng isang paaralan sa Valenzuela City ang Kapuso martial artist na si Jinri Park.
Sa ulat ni Chino Trinidad sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, isa ang Saint Louis College sa mga paaralan na nagsasanay sa angking galing ng kanilang mga estudyante sa palakasan.
Sa kanilang 40th foundation celebration, inimbitahan nila para mag-demo ng Brazilian martial arts na jiu jitsu si Jinri.
Hindi magkamayaw ang mga bata nang makitang hindi lamang pala maganda si Jinri, kung hindi mabangis din sa martial arts.
"Instantly, I fell in love with it because it's very technical. So a woman or people who are smaller can use technique to beat up someone who's much stronger and bigger," sabi ni Jinri.
Isa sa mga nagmasid sa demo ni Jinri ay ang 11-anyos na si Jasmin delos Santos na bahagi ng taekwondo team ng Valenzuela City.
Sa loob ng dalawang taon niyang pagsali sa mga kompetisyon, mahigit 40 medalya na ang kaniyang naiuwi.
Sinabing namangha umano ang batang taekwondo jin sa jiu jitsu demo ni Jinri na nagbigay din ng tips kay Jasmin.
"Natuto po ako kung paano mag-ano ano, 'yung mga blocks blocks para makaiwas sa masasamang tao," sabi ni Jasmin na kasama sa Valenzuela taekwondo team na lumalaban sa Pasig NCR Games. --FRJ, GMA News