Pagkaraan ng labing-anim na taon, nagbalik sa Pilipinas ang Indonesian singer at "Asia's Got Talent" judge na si Anggun para i-promote ang kaniyang bagong album. Inihayag din niya ang paghanga sa talento ng mga Pinoy tulad ng classical singer na si Gerphil Flores.

Sa eksklusibong panayam ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing napansin umano Anggun na marami na ang nagbago sa Pilipinas mula nang huli siyang nagpunta sa bansa 16 na taon na ang nakararaan.

Gayunman, hindi raw nagbago ay ang pagmamahal ng mga Pinoy sa kaniya at sa kaniyang musika.

Sa kaniyang bagong album na kaniyang ipino-promote, hangad ni Anggun na maka-inspire umano ng mga kababaihan.

Nais daw ni Anggun na makabalik sa Pilipinas dahil batid niya na mahilig sa musika ang mga Pinoy. Katunayan, mayroong siyang two-day show na handog sa fans.

Naikuwento rin ni Anggun ang paghanga niya sa talento ng mga Pinoy kaya hindi na raw siya nagtaka nang may nakapasok muli na mga Pilipino sa finals ng katatapos na season ng "Asia's Got Talent."

READ: Mga pambato ng Pilipinas, kinapos sa 'Asia's Got Talent'

At ang nakatatak pa rin sa kaniya na Pinoy na sumali sa naturang contest ay ang classical singer na si Gerphil.

"Gerphil is so beautiful and she sings beautifully. She's like a modern Audrey Hepburn," anang international singer.

Si Gerphil ay sumali at nakapasok sa finals sa "AGT" noong 2015 kung saan ang itinanghal na kampeon ang mga kababayan niya na kabilang naman sa grupong "El Gamma Penumbra." -- FRJ, GMA News