Palaging masayahin at hindi namimili ng mga taong kakaibiganin. Ganito inilarawan ng mga kaanak ang yumaong singer na si Vincent Dafalong.

Oktubre 19 nang pumanaw ang mang-aawit dahil sa cardiac arrest, na may kasama na ring komplikasyon.

Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, sinabi ng anak ni Vincent na si China Kinski Quilet-Le, na walang mahirap, walang mayaman, walang pangit o walang guwapo raw para sa kaniyang ama.

"Wala po siyang pinipili. He's not judgmental, he has a good heart. No one can compare kung gaano po kabait ang daddy ko," ayon kay China.

Hindi naman daw makalilimutan ng asawa ni Vincent na si Dora Gerona-Quilet ang mga joke at pagiging mapagkumbaba ng asawa.

Mani-miss din ng kaniyang mga nakababatang kapatid ang kaniyang pagpapatawa matapos ang kanilang mga tampuhan.

Isa raw sana sa mga gusto pang mangyari ni Vincent sa kanyang buhay ay ang makapunta ng America. Dalawang buwan bago siya mamaalam, kinukulit daw niya ang anak na si China na ayusin na ang kaniyang visa.

Ito ang dahilan kung bakit sinamahan ni China ang kaniyang ama sa Pilipinas.

Ayon kay China, palagi raw nagkakaproblema si Vincent sa puso, at isa na rito ang paninigarilyo.

Sinabi naman ni Dora, na konting lagnat lang ay sobra na ang panggiginaw ni Vincent.

Na-comatose pa si Vincent bago siya namaalam.

Sa kaniyang burol, makikita ang kaniyang mga larawan, kaniyang motor at gitara.

Ipinasilip din ni China sa "Tunay Na Buhay," ang naging tirahan ng yumaong singer.

Hindi nawala kay Vincent ang pagiging bata dahil tabi-tabi pa niya ang mga unan niyang "Minions." Ayon kay China, ayaw daw ni Vincent nang madidilim na kulay.

Nasa loob naman ng "music room" ni Vincent ang kaniyang mga memorabilia, mga sombrero.

Hindi raw makakalimutan ni China ang palaging payo ng ama na huwag magmamadali sa pagpapakasal. At nang ikasal siya, naging emosyonal daw ang kaniyang ama nang ihatid siya sa altar.


--Jamil Santos/FRJ, GMA News