Timbog ang isang 27-anyos na lalaking wanted sa kasong frustrated murder dahil sa pagbaril sa kaniyang kapitbahay kaugnay ng kanilang umano'y ilegal na transaksyon sa droga sa Barangay NBBS, Navotas City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ang isang lalaking construction worker sa labas ng kaniyang bahay matapos isilbi ng awtoridad ang arrest warrant na inisyu sa kaniya ng korte.
"Naging mailap ang ating suspect dahil nu'ng nalaman niya na sinampahan siya ng reklamo ng pamilya ng biktima at nabuhay naman 'yung biktima, ito ay nagpalipat-lipat ng iba't ibang lugar," sabi ni Police Major Anthony Mondejar, Navotas City Police station operations officer.
Ayon sa pulisya, nasugatan sa pamamaril ang noo'y 33-anyos na biktima noong Enero 2023.
"Itong biktima at ang suspek ay may transaksiyon na ilegal at napikon po itong suspek dahil sa ginagawa po ng biktima na hindi po nagbabayad sa transaksyon nila, may kinalaman ito sa ilegal na droga," dagdag ni Mondejar.
Dati nang nakulong sa kasong pagnanakaw ang lalaki. Itinanggi niya ang mga paratang kaugnay ng kinakaharap niyang kasong frustrated murder.
"Hindi po ako gumawa nu'n. Wala po akong kaalam-alam na ikukulong po ako. Saka nandu'n lang po ako nu'n sa looban, nagse-cellphone lang po," sabi ng suspek.
"Nakaaway ko po kasi siya sa peke niya pong isang libo. Inutusan niya po ako sa tindahan na ibili sa may tindahan 'yung isang kahang sigarilyo. Tapos ako po, pinagalitan po ako sa may tindahan na 'pera mo eh, ikaw kakasuhan ko eh,' kaya ako po siya inaway nu'n," ayon sa suspek.
Itinanggi rin ng suspek na may transaksiyon siya sa ilegal na droga.
Inihanda na ng kapulisan ang mga dokumento para sa return of warrant. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News