Isang SUV na may sticker ng Office of the President ang bumangga umano sa isang poste sa Maynila nitong Miyerkoles nang madaling araw. Nadamay naman ang isang motorsiklo.
Pasado alas dose ng hatinggabi nitong Miyerkoles nang abutan ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang isang SUV sa bahagi ng Taft Avenue.
Ayon sa mga awtoridad, naunang naaksidente and SUV na minamaneho ng isang Chinese national, at nadamay ang isang motorcycle rider.
"Nag-radio sa amin na meron nga raw aksidente ditong nangyari. Sumalpok yata siya dito sa poste," ani John Tecson, operation supervisor ng MDRRMO.
Sa lakas ng impact, wasak ang harapan at likurang bahagi ng SUV habang wasak din ang harapang bahagi ng motorsiklo.
Ayon sa MDRRMO, agad nilang nilapatan ng paunang lunas ang motor rider na nagtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan bago isinugod sa ospital
Nagtamo rin ng galos sa braso ang driver ng SUV.
Ayon sa MDRRMO, posibleng nakainom ang driver ng SUV. Patuloy itong inaalam ng pulisya.
Inabot ng kalahating oras bago tuluyang naiangat ang SUV at nalinis ang kalsada mula sa mga bubog at langis na tumagas sa lugar.
Kapansin-pansin na mayroong sticker ng Office of the President ang SUV. Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung lehitimo ang nasabing sticker.
Hawak na ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang driver ng SUV.
Nang kuhanan ng pahayag ang driver, ang sabi lamang nito ay, "Sorry, sorry" bilang paghingi ng paumanhin dahil sa nangyari.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kuhanan ng pahayag ang Office of the President tungkol sa insidente. —KG, GMA Integrated News