Humantong sa kalungkutan ang masaya sanang pagdiriwang matapos bumagsak sa dagat ang isang jet na nagtatanghal sa isang airshow sa Lavandou, France para sa ika-80 anibersaryo ng Allied forces' D-Day landings. Ang piloto nito, patay.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa kuha ng isang manonood ang pagtatanghal ng aircraft.
Ngunit ilang saglit pa, bigla na lamang bumagsak ang eroplano sa dagat.
Lumikha ito ng malaking impact sa dagat sa lakas ng pagbagsak ng eroplano.
Natukoy ang eroplanong bumagsak na isang Fouga Magister jet.
Agad namang narekober ng mga awtoridad ang bangkay ng piloto.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na walang ejection seat ang naturang jet kaya napasama ang piloto sa crash.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa ugat ng aksidente. — VBL, GMA Integrated News