Labing-isang tao ang nasawi sa sunog na tumupok sa isang commercial-residential building sa Binondo, Manila ngayong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ni Sam Nielsen ng Super Radyo dzBB sa GTV on Balitanghali, sinabing ang bilang ng mga nasawi ay nagmula kay Kagawad Nelson Ty ng Barangay 289 , Zone 27, na nakikipag-ugnayan sa mga kasapi ng Bureau of Fire Protection.
Kinumpirma naman ng BFP-National Capital Region ang naturang impormasyon kinalaunan.
Sa paunang impormasyon mula sa BFP-NCR, idineklara ang first alarm ng sunog sa 647 Carvajal street dakong 7:28 a.m. at umabot sa ikalawang alarma dakong 8:14 a.m.
Nagawa naman makontrol ng mga bumbero ang sunog pagsapit ng 9:31 a.m., hanggang sa ideklara nang fireout pagsapit ng 10:03 a.m.
Ayon umano sa security guard ng gusali, nagsimula ang sunog sa canteen na hinihinalang bunga ng pagsingaw ng liquified petroleum gas (LPG) na ginagamit sa kusina.—FRJ, GMA Integrated News