Nabagok at dinala sa ospital ang isang batang naglalaro sa kalsada matapos siyang bumangga sa isang dumadaang motorsiklo sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ng Barangay 139 sa parte ng San Pedro Street sa Balut, ang paglalaro at pagtatakbuhan ng dalawang bata, na ilang ulit ding tumawid sa kalsada.
Isa sa mga bata ang nagtago pa sa mga nakaparadang sasakyan. Ilang saglit lang, biglang tumawid ang bata ngunit bumangga siya ng isang motorsiklong dumadaan.
Bumulagta sa kalsada ang bata, at dinala sa ospital ng nakabanggang rider.
"Ang pagkakaalam ko 'yung bata nabagok, nakalabas na [ng ospital] 'yung bata. Ang sinabi ng rider, nagastusan na niya, ipinakita niya sa akin 'yung mga resibo," sabi ni Jun Nery, kapitan ng Brgy. 139.
Sinabi ng rider na pauwi na siya mula sa trabaho nang maganap ang aksidente.
"Nagulat na lang ako sa peripheral eye ko, nakita ko 'yung bata. Pinilit ko po siyang iiwas 'yung motor ko para hindi ko siya mahagip. Kaso hindi na kinaya ng preno, hindi na rin kinaya ng pagliko ko, sumalpok na rin sa akin 'yung bata," sabi ng nakabunggong rider na si Rogie Soreda.
Handa naman ang rider na sagutin pa ang mga gastusin sa ospital ng biktima.
Nakatakda ring magharap sa barangay ang pamilya ng bata at ang rider.
Mas paiigtingin daw ng barangay ang pagsaway sa mga batang naglalaro sa kalsada.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News