Inaresto at mahaharap sa kaukulang reklamo ang isang lalaking modelo na nambastos umano at humirit ng halik sa babaeng host ng isang noontime show habang nasa condo unit na ang biktima sa Quezon City.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Shervey Torno, na nakuhanan ng biktima ng video habang nagmamadaling makababa ng hagdan ng condo matapos niyang pagbantaan na ipapahuli.

Sa panayam, inamin ng suspek na isa umanong model, na nagandahan siya sa TV host at humingi siya ng halik.

“Sinundan ko s'ya. Hiningi ko 'yung pangalan. Sinabi ko na pa-kiss ako, tapos bandang huli sinabi dito sa pulis [na] hinawakan ko daw balakang n'ya, eh hindi naman po totoo," ayon sa suspek.

"Tsaka po pinasok ko raw siya sa unit niya sa condo, eh di totoo i yon. Kaya ko tinulak nang konti 'yung pinto kasi inipit niya paa ko,” paliwanag pa ni Torno.

Humihingi siya paumanhin sa biktima sa pamilya nito sa kaniyang ginawa.

Iniutos naman ng pulisya na imbestigahan na mabuti ang insidente.

Ipinayo ng mga awtoridad na maaaring tumawag sa 122 ang mga biktima ng pambabastos para mapuntahan nila.—FRJ, GMA Integrated News