Nasawi ang isang lalaking rider matapos siyang pagbabarilin ng pulis na pinagtangkaan umano siyang nakawan sa Parañaque City. Ang suspek, arestado.
Sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nadatnan ng pulisya ang 27-anyos na biktima na nakabulagta na sa bangketa ng C5 Extension sa Barangay San Dionisio.
Inilahad ng isang saksi na nakita niya ang biktima at ang suspek na nag-uusap pasado 6:40 a.m.
Maya-maya pa, nakarinig ng putok ang saksi at nakita niyang bumagsak na ang biktima.
Sinabi ng Parañaque Police na tinangkang tangayin ng suspek ang motorsiklo ng biktima, ngunit hindi niya ito napaandar kaya tumakbo na lamang siya.
Eksaktong may nagpapatrolyang pulis kaya nadakip ang suspek, na natuklasang pulis din.
Ayon pa sa Parañaque Police, aktibong miyembro ng Mobile Patrol Security Unit ng PNP-Aviation Unit Security Group ang suspek.
Nakuha mula sa suspek ang service firearm, mga bala at dalawang cellphone ng biktima.
Nakikitang motibo ng Parañaque Police ang pagnanakaw.
Hindi nagbigay ng panayam ang mga kaanak ng biktima, ngunit lumalabas na naroon ang biktima sa lugar dahil nasiraan siya ng motorsiklo.
Tumanggi ang suspek sa paratang.
“Bigla niya akong binato out of nowhere. Akala ko hindi niya sinasadya. Tapos maya-maya bigla niya akong minura. Kaya ko nagawa ‘yun sa kaniya, ‘yung binaril siya,” sabi ng suspek.
“Humihingi ako ng tawad sa lahat ng kaanak, sa mga magulang tsaka sa mga mahal niya sa buhay,” dagdag niya.
Kakasuhan ng Parañaque Police ang suspek ng robbery with homicide.
Tinitingnan nila kung sangkot siya sa iba pang insidente ng agaw-motor, habang nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya para madakip ang posibleng kasabwat niya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News