Hindi na lang ang mga naiiwang gamit sa loob ng sasakyan ang pinupuntirya ng mga kawatan kundi maging ang mga computer box ng mga sasakyan na automatic.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang ginawang pagpuntirya ng kawatan sa computer box ng isang kotse na nakaparada sa labas ng bahay ng may-ari ng sasakyan.
Ayon sa may-ari ng kotse na si Aaron Enecuela, nakita na lang niya na basag ang salamin ng kaniyang kotse at wala na ang computer box, na nagsisilbing "utak" ng mga automatic na sasakyan para tumakbo.
“Nagulat po kami kasi ang ninanakaw karamihan is gamit sa loob ng sasakyan. Nakakadismaya. Hassle din, ito gamit ko sa work eh,” ayon kay Enecuela.
Ayon sa PNP Highway Patrol Group Task Force Limbas, pinag-iinteresan ng mga kawatan ang computer box ng mga sasakyan dahil mataas ang demand nito na nabibili ng mula P20,000 hanggang P100,000 depende sa modelo ng sasakyan.
“Malaki ang halaga kapag bibilhin sa regular market, so ang iba natin kababayan, nag re-resort doon sa clandestine o black market. Ibinebenta na po 'yan online, kaya nahihirapan tayo na i-trace kung saan ang source," ayon kayPNP-HPG Task Force Limbas chief Police Colonel Joel Casupanan.
"Yung computer box is serialized din po yan, ganun pa man, marami tayong kababayan, electronically magagaling, namamanipulate nila yung mga ganyan parts ng sasakyan,” dagdag niya.
Payo niya sa mga may sasakyan, siguraduhin na ligtas ang sasakyan sa lugar na pagpaparadahan.
Patuloy pang hinahanap ang suspek na nakuhanan ng CCTV camera.-- FRJ, GMA Integrated News